Monday, October 31, 2005

Ang mga Pilipino nga naman kahit saan at kahit kailan hindi nawawalan ng ikuwekuwento. Maging ito ay tsismis, opinyon, haka-haka, asumptyon, joke o punchline, may masasabi tayo sa lahat ng bagay pang-araw-araw man ito o isang di-pangkaraniwan na pangyayari.
Napatunayan ko iyan noong pumunta kami sa Laguna itong nakaraang linggo lang. Galing sa Sta. Rosa ay pupunta sana kami sa Batangas para magbigay-pugay sa isang simbahan. Sa kasamaang palad, at sa di malamang dahilan, nasira ang alternator ng kotseng sinasakyan namin nang nasa Tagaytay palang kami (medyo malayo pa daw yun mula sa dapat naming destinasyon) kaya kinailangan na naming bumalik sa Laguna bago pa kami sapitin ng gabi sa kalye.
Sumakay kami ng isang pampasaherong van na ang ruta ay Calamba - Tagaytay. At sa loob ng napakalamig na van ay naranasan ko ang kadaldalan ng mga Pilipino.
Pagpasok palang ng sasakyan ay may nagsalita na, "Hay salamat! Makaka-alis na tayo."
Sumagot ang aking lola sa pahayag ng babae na siguro ay kasing edad niya, "Matagal po ba bago umalis ito?"
"Ay! Opo, matagal maghintay ng pasahero. Pero mabuti na nga lang ho ay may sinusunod silang oras. Aaalis na sa oras na 'yon kahit konti lang ang pasahero."
"Saan po kayo bababa?" Ang tanong ng aking lola.
"Sa Calamba po. Kayo po?"
"Sa Sta. Rosa ho kami."
"Ay, sila po," sabay turo sa katabing babaeng may kasamang 2 bata, "Sta. Rosa din."
Sumagot ang itinurong babae, "Saan po kayo sa Sta. Rosa?"
At mahabang usapan pa ang sumunod.
Nakaka-aliw talaga na kahit ang mga Pilipinong ngayon lang nagkita ay magdadaldalan kaagad. Pero ngayon ang kabataan ay may tawag na dito, FC o feeling close. Maaari itong maging mabuti o masama base sa pagiging "close" ng isang tao sa isa pa. Kung ang tao naman ay parang nanghihimasok na, medyo masama na 'yon. Pero para sa akin, magandang katangian ng mga Pilipino ang kakayahang makipag-usap at makipagkilala agad-agad.
~Oh a thousand wordsHave never been spokenThey'll fly to youThey'll carry you home into my armsSuspended on silver wings~
wishing;
11:26 AM
Monday, October 17, 2005

Pagod... puyat... eyebags... xientian.
Madalas kong makita ang mga salitang iyan sa mga personalized pin sa eskwelahan na itininda sa Foundation Day dalawang taon na ang nakakaraan. Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagod?
Maraming klase ng pagod. Pisikal na pagod ang nararamdaman mo kung tumakbo ka ng sampung beses o higit pa sa napaka-lawak na parking area ng SM. Matatawag naman nating pagkapagod sa aspetong mental ang kawalan ng konsentrasyon at lubhang pananakit nang ulo sa dami ng impormasyon na itinuturo sa atin sa eskwelahan. Ito ay tinatawag ding "information overload". Pwede din namang matawag na mental exhaustion ang pagka-wengweng, ika nga, dahil sa sunud-sunod na exams, quizzes at long tests. Meron din namang pagkakataon na sinasabi nating, "pagod na pagod na ako" dahil sa paulit-ulit na pagpapaalala sa atin ng isang bagay o kaya naman sa walang sawa nating pagpapasensya sa isang tao o sa isang pangyayari.
Sa mundong ito, napakarami pa ng mga halimbawa ng pagkapagod. Pero ang ipinagtataka ko lang, mayroon bang tinatawag na emosyonal na pagkapagod?
Ang sabi ng madaming tao, ang pag-ibig ay kailanman hindi napapagod; bagkus ito ay nakapagpapawala ng nasabing pakiramdam. Ang isang amang hapung-hapo mula sa pagtratrabaho ay nagiginhawahan makita lamang ang kanyang mga minamahal na anak. Kung ganon nga, bakit kaya may mga naghihiwalay na mag-asawa? At bakit may mga nagsasabi, lalu na sa mga telenovela, na "hindi na kita mahal"? Sa parehong aspetong emosyonal, bakit kaya napapawi din ang galit ng mga tao at sinasabing sila ay nagsasawa na sa pagkikimkim ng sama ng loob?
Totoong napakaraming aspeto ang dapat pagtuunan ng pansin sa pagsagot ng nga katanungang ito. Pero sana ang bawat isa sa atin ay hindi magsawa sa pagmamahal sa ating kapwa, pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa kalikasan at higit sa lahat pagmamahal sa Diyos.
~Tired of weaving dreams too loose for me to wear
Tired of watching clouds repeat their dance on air
Tired of getting tied to doing what’s required
Is life a mere routine in the greater scheme of things?~
wishing;
8:24 PM
Thursday, October 13, 2005

Nagkaroon ako ng inspirasyong isulat (o sa pagkakataong ito, i-type) ang uh.. kung-ano-man-ang-tawag-dito mula sa isang natatanging karakter mula sa palabas na gawa ng mga Hapon, ang Naruto.
Ang pangalan ng naturang tauhan ay Raiga, na ang literal na ibig sabihin ay kidlat o
lightning sa ingles. Gaya ng sinasabi ng kanyang pangalan, isa siyang nilalang na may kakayahang gamitin ang kapangyarihan ng kidlat laban sa kanyang mga katunggali- ang mga bida. Sa makatuwid, isa siya sa mga iginagalang na kalaban na nagpapaganda sa takbo ng istorya.
Isang "tipikal na antagonista" si Raiga, ika nga. Ngunit ang nagpapa-iba sa kanya ay ang hilig niya sa mga burol. Oo, tama ang pagkakabasa ninyo- burol nga. Yung tipong may inililibing, may mga naghuhukay at may itinitirik na kandila habang siya ay ngumangawa ng todo. Ayon sa kanya, gustong-gusto niya ang may ibinuburol dahil sa pangyayaring ito ay nawawalan ng kaaway ang bawat nilalang. Lahat ay tumatangis para sa inililibing. Kaya naman sa sobrang kagutuhan niya dito, iginagawad niya ang parusang "paglilibing nang buhay" sa sino mang nangahas na salungatin ang kanyang mga kautusan.
Kakaiba, hindi ba? Maaaring ngayon ay nag-iisip kayo ng mga katagang "Baliw, Sira, 'Lang 'ya, Eng-eng, o kaya naman ay @*#&" upang ilarawan si Raiga. Ngunit kung iisipin natin, ang mga kataga niya ay may katuturan. At kung lalo pang iintindihin, mabigat ang ibig sabihin ng kanyang mga salita.
Sa kamatayan ng isang tao, nawawalan siya ng kaaway. Naaalala ang mga kabutihang nagawa niya sa mundo. Pinapatawad na siya sa kanyang mga kasalanan. Pinag-sisisihan ng mga nagmamahal sa kanya ang hindi pagsasabi ng kanilang nadarama para sa namaalam. Pinaparangalan siya, inaalayan at ipinagdadasal. Sa kanyang burol ay nagugunita ng lahat ang kanyang katauhan at kasabay ng pagbabaon sa kanya sa lupa ay ang pagbabaon ng mga naiwan niya sa puso ng bawat isa na sa katagalan, sa kasamaang palad, nababaon na rin ito sa limot.
Ipinapaalala sa atin ni Raiga ang isang napakahalagang katotohanan ng buhay. Malalaman mo lamang kung gaano kahalaga ang isang bagay kapag ito ay nawala na sa iyo. Masakit mang isipin, sa palagay ko ay nangyari na ito sa napakaraming tao. Maging ang bagay ay isang literal na bagay, isang tao o kaya naman ay hayop, ang mga ito ay dapat nating pahalagahan habang naririto pa sila sa buhay natin- kahit ba araw-araw mo nakikita ang mga ito. Tayo ay maging kontento sa mga bagay na meron tayo at lubus-lubisin ang bawat segundong kapiling ang mga ito.
Mahirap gawin, oo. Pero kung gusto, may paraan, 'di ba?
~You used to captivate me
By your resonating life
Now I'm bound by the life you've left behind~
wishing;
9:02 PM
Monday, October 10, 2005

Ang kasal ay isang sagradong sacramento na isinasagawa sa isang simbahan, sambahan o saan mang "place of worship". Ito ay isang ritwal na nangangahulugan ng pagsasama ng dalawang taong nagmamahalan sa harap ng Diyos.
Ang ibig sabihin, ang pangunahing panuntunan upang matawag na kasal ang isang selebrasyon na may wedding dress at wedding cake ay dapat nagmamahalan ang mga isasakal-este-ikakasal pala.
Akala ko ay sa mga telenovela lamang nangyayari ang mga kasalang ginaganap habang ang puso ng isa ay hawak ng ibang tao na hindi ang kanyang pakakasalan.
Hayaan mong ikwento ko sa iyo ang isang real-life story na nasubaybayan ko.. pangalanan natin silang Basilio at Huli.
Humigit-kumulang sampung taon na ang nakalilipas nang nakilala namin ang magkasintahan. Mga dalawang taon na silang mag-nobyo noon. At parang hango sa isang tsinovela, ang mga nag-iibigan ay hinahadlangan ng mga magulang ng babae. Si Huli kasi ay isang napaka-ganda at talentadong dilag. Isa pa, siya ay nakuha bilang pangunahing aktress sa isang presihiyosong dula na kilala sa buong mundo. Kaya madalas ay wala siya sa bansa upang magtanghal sa ibang bayan at kumita ng pera para sa kanyang pamilya.
Habang magkalayo ang magsing-irog ay madalas magpadala si Huli ng kanyang mga litrato at sulat. Si Basilio naman ay laging sumasagot at ipinaaalala sa dalaga ang kanyang nararamdaman. Maayos na sana ang lahat gaya ng isang fairytale na may happy ending. Kayalang...
Sa kasamaang palad, ang pagpre-
pressure ng mga magulang ni Huli sa kanya ay hindi na nakayanan ng nasabing dalaga. Sa sobrang hirap, sobrang
pressure, sobrang pangungulila at sobrang lungkot ay unti-unti siyang nabaon sa kawalan. At ang sumagip sa kanya doon ay isang dayuhan. Kaya naman nang alukin siya nito ng kasal ay hindi na siya nakatanggi pa.
Ilang taon pa ang nagdaan at hindi muna kami nakarinig ng anumang balita tungkol sa magkasintahan. Ngunit dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan, ay dumalaw sa amin si Basilio. Daladala niya ang isang kulay puting sobre na naglalaman ng isang wedding invitation. "Ikakasal na po ako sa darating na Sabado." ang wika niya. Malungkot naming tinanggap ang kanyang paanyaya kahit na ang kanyang mapapangasawa ay hindi ang nobya niya ng halos siyam na taon.
Coincidentally -ika nga, ay nandito pala sa Pilipinas si Huli. Binisita din niya kami at sinisi ang sarili sa kanilang mapait na paghihiwalay. Sabi pa nga niya, "Sa araw ng kasal ni Basilio ay pupunta ako sa lugar na marami ang tao. Hindi ako mag-iisip. Ayokong mag-isip baka maiyak pa ako ulit."
Sabi ng nanay ko, gusto lang talagang mag-asawa ni Basilio. Marahil ito ay para tulungan siyang makalimutan si Huli. Pero alam niya na ang puso niya ay nakay Huli parin hanggang sa pagmartsa niya papunta sa altar.
Ika nga nila, mahirap na pakisamahan ang minamahal mo. Pano pa kaya ang hindi?
Ito pala ang realidad ng buhay. Hindi laging happy ending.
~Even though the rain has stopped
on this weekend afternoon,
I'm walking the streets all alone,
even though
I want to be with you~
wishing;
10:38 AM
Saturday, October 08, 2005
Naniniwala ka ba sa mga angel? Lagi natin silang naririnig sa mga kwento, pambata o inspirasyonal. Sinasabi ng ilan na marami nang mga tao ang nakakita sa kanila. Ang sabi naman ng iba, ang mga anghel ay gawa-gawa lang ng tao bilang "psycological therapy". Para lang masabi na may nagbabantay sa kanila; para hindi sila makaramdam ng pag-iisa.
Sa totoo lang, naniniwala ako sa mga anghel. Simula noong bata ako, iniisip ko na ang mga angel ay nandyan lang sa tabi-tabi at sinasagip ang kanilang mga binabantayang tao tuwing ang mga ito ay mapapahamak. Maaari silang magbago ng anyo at maging kalapit mo upang maprotektahan ka ng mabuti.
Ang mga mumunting himala na nangyayari sa iyo sa araw-araw ay pinaniniwalaan kong gawa ni God at ang mga ito ay ipinaparating Niya sa atin sa pamamagitan ng mga anghel sa paligid. Ito ang ibig sabihin ng "mga anghel sa lupa" para sa akin.
Sa telebisyon ay napakaraming mga balita ng kabaitan at kabayanihan. Sa totoong buhay ay napaka-sayang isipin na may mga tao pala na handang magsakripisyo para sa kapwa. Ang mga taong tumutulong kahit sa kanilang maliit na paraan gaya ng pag-babahagi ng payong sa isang taong hindi man lamang kilala.
Habang may mga taong ganito, nasisiguro kong meron talagang mga anghel sa mundo. Kung dadami pa ang mga naturang tao, tiyak na unti-unti na nating makakamit ang mapayapang mundo.
~Beyond the moon, blue searchlights overlap.
You alighted suddenly, angel.
So who are you?~
wishing;
10:32 AM